Lumobo ang bilang ng mga pamilyang Pilipinong nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations, 22% ng mga pamilya ang nagsabing nakaranas ang mga ito ng gutom o kawalan ng makakain kahit isang beses, mas mataas ito kumpara sa 16.1% noong Hunyo.
Pinakamataas ang antas ng gutom sa Metro Manila, 25.7%; sinundan ng Balance Luzon, 23.8%; Mindanao, 19.7%; at Visayas, 17.7%.
Sa kabuuan, pumalo sa 20.2% ang average hunger rate ng bansa sa unang siyam na buwan ng 2025. Kapantay ito ng naitala noong 2024, at bahagyang mas mababa kumpara sa 21.1% noong 2020 o sa kasagsagan ng pandemya.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 Filipino adults mula noong Setyembre 24 hanggang 30.




