Inihain ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang Senate Bill 1261 o ang proposed Infrastructure Appropriations Integrity Act na layuning masiguro na tanging mga infrastructure projects na technically at financially viable lamang ang maisasama sa pambansang budget.
Ayon kay Senador Escudero, isinusulong niya ang institutionalization ng budget transparency at accountability safeguards para sa lahat ng infrastructure projects na ipapasok sa pambansang budget para maiwasan ang iregularidad, pag-abuso, at maling paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Sen. Escudero, lahat ng infrastructure projects ay dapat na may station numbers, geotagging, geodetic coordinates, at iba pang technology-based methodologies para mabilis na ma-locate ninuman sa anumang oras ang proyekto.
Nakasaad din sa panukala na walang infrastructure project na isasama sa national budget at ipapatupad maliban na lang kung dumaan ito sa masusing feasibility study.
Binigyang-diin ng senador na kailangang dumaan sa masusing pag-aaral at pagbusisi ang lahat ng proyekto. Kung hindi, wala ni isang sentimo na pondo na ibibigay para dito.




