Suportado ni House Infrastructure Committee co-chairperson at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon ang posisyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla hinggil sa legal requirement ng mag-asawang sina Curlee at Sarah Discaya para makapasok sa Witness Protection Program o WPP.
Ayon kay Ridon, importante ang “commitment to return” ng mag-asawang Discaya at dapat na maibalik nila ang pera at iba pang ari-arian na kanilang kinuha mula sa kaban ng bayan.
Kasunod pa rin ito ng isyu ng katiwalian sa flood control projects kung saan, binigyang-diin ni Ridon ang kahalagahan ng pagpapakita ng “good faith” na handang makipagtulungan sa imbestigasyon na isinasagawa ng Independent Commission for Infrastructure o ICI.
Sinabi ni Ridon na nakita naman na ito sa iba pang resource person gaya ni Engr. Brice Hernandez na nagsauli na ng mga sasakyan sa komisyon.
Para kay Ridon, ganito rin dapat ang gawin ng mag-asawang Discaya para maipakita hindi lamang sa ICI, Department of Justice o DOJ, kundi sa buong bayan na may sinseridad sila na isiwalat ang lahat, at ilantad ang mga personalidad na nasa likod ng korapsyon sa flood control.