Posibleng ikasa bukas sa pagbubukas ng sesyon ng mababang kapulungan ang pagpapalit ng liderato.
Kasunod ito ng balitang papalit bilang House Speaker si Deputy Speaker at Isabela 6th District Rep. Faustino “Bojie” Dy dahil na rin sa nakatakdang paghahain ng leave of absence ni House Speaker Martin Romualdez.
Nabatid na maagang natapos ang sesyon ngayong araw at agad na nagtungo sa Malacañang sina Speaker Romualdez kasama si House Majority Leader Sandro Marcos pero walang malinaw na dahilan ng pagpunta ng lider ng Kamara.
Una nang lumutang ang mga pangalan nina Deputy Speaker at Antipolo 1st District Rep. Ronaldo Puno; Cebu 5th District Rep. Duke Frasco; Navotas Lone District Rep. Toby Tiangco; at Bacolod Lone District Rep. Alfredo “Albee” Benitez para sa nasabing posisyon.
Sa naging ambush interview ng mga mamamahayag, sinabi ni Cong. Tiangco na hindi magandang tignan para sa publiko ang pagliban ni Speaker Romualdez sa kaniyang trabaho.
Para kay Tiangco, kung totoong magkakaroon ng leave of absence ang House Chief, kailangang magbotohan ang mga Deputy Speaker kung sino ang ipapalit sa posisyon ni Romualdez o magkakaroon ng draw lots.
Sa ngayon, patuloy pang inaabangan ng mga mambabatas kung magkakaroon ba ng pagpapalit sa liderato ng Kamara.