Itinuturong dahilan ng Metropolitan Manila Development Authority ang Dolomite Beach project bilang pangunahing dahilan ng paulit-ulit na pagbaha sa Taft Avenue, Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, tatlong pangunahing drainage outfalls na binubuo ng Faura, Remedios, at Estero San Antonio Abad ang isinara dahil sa konstruksyon ng artipisyal na beach.
Dahil dito, ang tubig-ulan ay dumadaan na lang sa isang sewerage treatment plant na hindi kayang tumanggap ng maraming tubig tuwing malakas ang ulan.
Bunsod nito, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Department of Environment and Natural Resources para pansamantalang buksan ang mga outfall tuwing tag-ulan.
Pagbibigay-diin pa ng opisyal na kailangan ng isang komprehensibong drainage master plan sa buong Metro Manila upang maiwasan ang malalang pagbaha.