Isang resolusyon ang inihain ni Senador Alan Peter Cayetano na naglalayong pansamantalang palayain at isailalim sa house arrest o ilipat sa Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte habang hinihintay ang kanyang paglilitis.
Nakapaloob sa resolusyon na dapat payagan ang pansamantalang paglaya ng dating Pangulo dahil batay sa batas ng Pilipinas at maging international law, nararapat na bigyan ng karapatang ipalagay na inosente ang akusado hanggang napapatunayang siya ay may sala.
Binanggit din sa resolusyon ang lumalalang kondisyon ng kalusugan ni Duterte, partikular ang matagal nitong pananatili sa kulungan na maaaring makaapekto sa kanyang pisikal at emosyonal na kalagayan.
Idinagdag pa dito na kahit umatras na ang Pilipinas mula sa Rome Statute, posible pa ring makipagkasundo sa ICC ang bansa sa pamamagitan ng Embahada sa The Hague para sa mga magiging kondisyon sa house arrest.
Susundin aniya ang anumang kondisyon na maaaring ipataw ng Pre-Trial Chamber tulad ng mga limitasyon sa galaw, pananatili sa isang partikular na tirahan, pagbabawal makipag-ugnayan sa mga biktima o saksi, at pagsunod sa mga imbitasyon ng korte.