Inihirit na ng siyam na opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsibak kay PCOO Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson.
Ito’y sa gitna ng mga batikos ng publiko sa malaswa umanong video hinggil sa pederalismo na ipinost niya sa kanyang social media blog.
Isinumite na ng mga opisyal ang request letter sa mga tanggapan nina Executive Secretary Salvador Medialdea at Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go.
Dapat anilang tanggalin sa puwesto si Uson dahil sa paglabag sa Section 4B ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees o Republic Act 6713.
Nakasaad sa naturang batas na dapat panatilihin ng isang government official at employee ang pinaka-mataas na antas ng kahusayan, propesyunalismo, karunungan at kasanayan” sa kanilang trabaho.
—-