Pinayagan na ng pamahalaan ang pagdaraos ng mga workshops, trainings, at mga seminars sa mga lugar na nakasailalim sa general community quarantine (GCQ), kabilang na ang Metro Manila.
Ito, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ay batay na rin sa napagkasunduan ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung saan, hanggang 30% lamang ang papayagang venue capacity nito.
Kabilang din sa mga pinapayagan nang isagawa ay mga conferences, congresses, board meetings, colloquia, conclaves, symposia at consumer trade shows, basta sa itinakda lamang na 30% venue capacity.
Bukod naman sa Metro Manila, nakasailalim din sa GCQ hanggang sa katapusan ng Disyembre ngayong taon ang Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Lanao del Sur, Iligan, at Davao City, habang umiiral naman ang modified GCQ sa nalalabing bahagi ng bansa.
Samantala, inatasan naman ng IATF ang Department of Tourism at Department of Trade and Industry na maglabas ng mga panuntunan hinggil dito.