Ibinunyag ni Vice President Sara Duterte na may naganap na panunuhol upang maipa-impeach siya sa Kamara.
Ayon kay VP Sara, inalok ang mga mambabatas ng 1.5 million pesos at anim na milyong pisong pondo para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) kapalit ang paglagda sa impeachment complaint.
Bukod pa aniya ito sa tinatawag na conditional release na sinasabing isiniwalat ni Alyansa para sa Bagong Pilipinas Campaign Manager at Navotas City Rep. Toby Tiangco.
Ang conditional release ay ang budget na sinasabing ilalaan para sa district project ng mga kongresista basta pumirma ang mga ito sa impeachment ni VP Sara.
Kung ikukumpara aniya sa public records, makikitang ang mga mambabatas na hindi sumang-ayon sa impeachment complaint at walang pondo para sa mga distrito nito.
Nabatid na mahigit 200 kongresista ang pumirma sa impeachment complaint laban sa bise presidente dahil sa sinasabing maling paggamit ng pondo ng kanyang tanggapan at ng Department of Education noong pinamumunuan pa niya ito.