Matapos ang isinagawang malawakang anti-corruption rally, malaki rin ang iniwan nitong pinsala sa mga lugar na pinagganapan ng protesta, katulad na lang ng mendiola dahil sa biglaang pagiging agresibo ng mga raliyista na naging mitsa para magkagulo bago natapos ang martsa.
Ngayon, iniimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung sino nga ba ang nasa likod ng naganap na kaguluhan.
Kaugnay nito, tinanong sa isang panayam si Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro kung naniniwala ba ang malakanyang na hindi lang emosyon ang nagtulak sa mga kabataan na magkagulo sa rally, kundi dahil mayroon itong bahid ng pamumulitika at intensyon na patalsikin ang Presidente sa pamumuno.
Sinabi ni Usec. Castro na sa personal niyang opinyon ay mayroong bahid ng pulitika ang nangyaring rambulan at nautusan lamang ang mga kabataang sangkot dito.
Dagdag pa niya, kung nautusan man ang mga kabataan na manggulo, paniguradong susunod ang mga ito lalo na kung sila ay binayaran.
Samantala, matatandaan na napabilang ang pangalan ng pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na si dating House Speaker Martin Romualdez sa mga idinawit sa anomalous flood control projects.
Pero nang tanungin naman si Usec. Castro kung ano ang posibleng mangyari kapag mayroong nabanggit na malapit sa Pangulo sa katatapos lang na Senate Blue Ribbon Committee hearing, tiniyak ng abogada na hindi haharangin ng pangulo ang magiging resulta ng imbestigasyon, lalo na at ito mismo ang nagpasimula ng ginaganap ngayon na series of investigations.
Binigyang-diin pa niya na anuman ang kahihintanan ng imbestigasyon, dapat ay masuportahan ito ng mga proweba at hindi lang puro salita.