Ilulunsad ni Vice President Jejomar Binay bukas, Hulyo 1 ang United Nationalist Alliance o UNA bilang isang ganap na political party na magdadala sa kanyang kandidatura sa 2016 elections.
Ipinabatid ni UNA Interim Secretary General Atty. JV Bautista na nakarehistro sa Commission on Elections (COMELEC) ang UNA bilang hiwalay na partido mula sa koalisyon sa Partido ng Masang Pilipino o PMP nina dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada at Sen. Juan Ponce Enrile.
Agad nilinaw ni Bautista na ipinagpaalam ni Binay kina Estrada at Enrile ang paghiwalay nila para makabuo ng bagong partido na pangungunahan ng isang lider.
Binigyang-diin ni Bautista na hindi Trapo o Traditional Politician ang UNA, kasabay ng pagtitiyak na magkakaroon ito ng representasyon mula sa sektor ng transportasyon, kababaihan at OFW’s.
Inaasahang ilalatag ni VP Binay sa gaganaping paglulunsad ng UNA bukas ang kaniyang plataporma.
By Meann Tanbio