Arestado ang isang banyaga na may uganyan umano sa ISIS at nagpaplanong maglunsad ng pag-atake sa bansa.
Kinilala ang suspek na si Fehmi Lassoued, isang Egyptian national.
Batay sa impormasyon mula sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG, nadakip ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang nasabing banyaga mula sa isang apartment sa Adriatico Street sa Maynila nitong Biyernes.
Nakumpiska mula rito ang iba’t ibang pampasabog, baril, bala, bandila ng ISIS at mga dokumentong nagpapatunay na may pinaplanong pag-atake sa Pilipinas ang grupo.
Galing sa Makati Regional Trial Court ang warrant of arrest para sa naarestong banyaga matapos ang mga ulat na may isang opisyal ng ISIS ang lumipad sa Pilipinas mula Turkey.
Kasama rin sa naaresto ang Pinay na kinakasama ni Lassoued na si Anabel Moncera Salipada, 32 taong-gulang mula sa Maguindanao.
Sa ngayon ay patuloy na inaalam kung sino-sino pa ang mga kasabwat ng dalawa sa bansa.
PNP chief Ronald Dela Rosa, iprinisinta ang naarestong ISIS sa Maynila na si Fehmi Lassqued ng Egypt at kasamahang Pinay na si Anabel Moncera Salipada, 32 y/o ng Maguindanao @dwiz882 pic.twitter.com/l1FEVFs0Kx
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) February 19, 2018
Ayon kay PNP Chief Ronald Dela Rosa, Hulyo ng taong 2016 pa nasa bansa at labas-masok sa Maynila si Lassoued, gamit ang isang pekeng Tunisian passport.
Isa aniya itong government negotiator at commander ng ISIS sa Syria.
Nakatakdang isalang sa interogasyon ang mga naarestong suspek.
Bukod sa mga pampasabog, bala at baril, nakumpiska rin mula sa naarestong banyaga ang ilang dokumento ng planong pag-atake sa bansa ng mga terorista.
—-