Patuloy pa rin umanong magbabantay ang senado sa ginagawang negosasyon ng gobyerno para makabili ng bakuna kontra COVID-19.
Ito ang tiniyak ni Sen. Risa Hontiveros sa kabila ng pagkakalinis o pagkapawi ng duda ukol sa overpricing ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Hontiveros, pinanghahawakan niya ang pangako ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez na lehitimo ang lahat ng transaksyon kaugnay sa bakuna kontra COVID-19.
Pumayag daw sila na hindi na muna ilabas ang presyo ng mga bakuna sa pagdinig dahil nangako sila Galvez na ilalabas ang detalye ng negosasyon oras na mapirmahan na ang supply agreement.
Sinabi ni Hontiveros na anumang lack of transparency o pagkakaiba ng datos ay nagdudulot daw ng duda.
Kapag wala aniyang transparency, mahirap matukoy kung sino ang may accountability sa vaccine program ng bansa.
Hindi raw isyu kay Hontiveros kung saang bansa galing o sino ang manufacturer ng bakuna, basta aprubado ito ng FDA.