Naramdaman ang transport strike sa Maynila, Marikina at mga lalawigan ng Rizal at Cebu bago pa mag-alas-7:00 kaninang umaga.
Sa Maynila, wala nang jeep na bumibiyahe mula at patungong Pedro Gil at Leon Guinto kabilang din ang mga papunta at mula sa Guadalupe Area sa Makati City.
Nakahanap naman ng pagkakataon ang mga tricycle driver sa Pedro Gil na kumita matapos sumingil ng trenta pesos (P30) kada pasahero mula sa dating sampung piso (P10).
Wala na ring bumibiyaheng jeep mula Brgy. Silangan, San Mateo, Rizal patungong Cubao, Quezon City samantalang gapang na ang maraming commuter sa Parang, Marikina dahil sa wala ni isa mang jeep na pumapasada.
Sa Mandaue City sa Cebu, anim napung (60) porsyento ng mga jeep sa area ang hindi na rin pumasada.
Alas-6:30 naman ng umaga ay marami pang jeep na nasakyan ang mga commuter sa Monumento, Caloocan City at normal pa sa mga ganitong oras ang biyahe ng jeep sa Magallanes Interchange sa Makati City na nagsisilbing junction sa pagitan ng South Luzon Expressway at EDSA.
By Judith Larino