HINDI maipagkakailang ramdam na din ng mga taga-Tarlac ang panawagan na pagkakaisa ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at ang kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte dahil sa dami ng taong nakilahok at dumalo sa caravan at rally ng BBM-Sara UniTeam nitong Sabado.
Sa kabuun ay umabot sa mahigit 200,000 tao ang nakilahok sa mga caravan at political rally na ginanap sa ibat-ibang bayan at siyudad sa lalawigan na nagsimula ng ika-9 ng umaga at natapos ng mga 8:30 ng gabi.
Kilalang balwarte ng Liberal Party o mas tinatawag ngayon na “dilawan” ang Tarlac dahil probinsya ito ng mga Aquino na tulad ng dating presidente Cory Aquino at Noynoy Aquino, na hindi lingid sa kaalaman natin na katunggali ng mga Marcos.
Unang sinalubong ang pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ng libo-libong supporters sa kanyang isinagawang caravan sa Tarlac City sa kahabaan Manila North Road National Highway nagtapos sa Paziluela Auditorium kung saan ginanap ang rally ng BBM-Sara UniTeam.
Sa rally na dinaluhan ng libo-libong BBM-Sara UniTeam supporters, sinabi ni Mayor Cristy Angeles na tama na ang bangayan at panahon na para sa pagkakaisa.
“Tapos na po ang mga away ng mga kulay, nandito tayo ngayon para magkaisa ng tunay. Mahal kong kababayan, mulat na tayo, alam na natin kung ano ang nararapat para sa ating lahat, kailangan natin ang pagkakaisa at ibibigay niya (Marcos) po yan sa atin.” ayon sa alkalde.
Habang sa Capas, Tarlac pinaalalahan naman ni Mayor TJ Rodriguez na tumatakbong alkalde muli ng Capas na bagamat mataas sa survey ang dating senador ay siguraduhin pa rin na makakaboto ang lahat sa araw ng halalan upang matiyak ang pagkapanalo ni Marcos.
“Meron po akong ipinapakiusap sa inyo, ang ating magiging pangulo sa survey, 60%, 70% at 80% kaya naman baka sa Mayo 9 ay matulog lang kayo?” ayon kay Rodriguez.
“Pagdating ng Mayo 9, lahat ng kamag-anak natin, lahat ng kapatid natin, kaibigan natin isama natin lahat sa presinto para bumoto.” dagdag pa ni Rodriguez.
Huli namang pinuntahan ni Marcos ang bayan ng Paniqui, Tarlac, nagkaroon siya ng maiksing caravan na inabangan din ng libo-libong residente.
Bumagal ang usad ng sasakyan ni Marcos dahil punong-puno ng supporters ang daanan mula sa Church of Nazarene hanggang sa Paniqui Public Auditorium kung saan ginanap ang rally.
Sinalubong ang dating senador ng hiyawan at sigawan, may mga banda ring tumutugtog sa ibat-ibang sulok ng kalsada at ang mga supporters ay may bitbit na mga tarpaulin, karatulang may ibat-ibang mensahe at suot ang kanilang mga pulang damit.
Sa rally, sinabi ni UniTeam senatorial candidate Gibo Teodoro na siyang nagpakilala kay Marcos sa mga taga-Paniqui na gumawa sila ng kasaysayan dahil sa tindi ng pagsalubong nila sa UniTeam at tiwala na ang tambalang BBM-Sara ang magbibigay ng pag-asa sa Pilipinas.
“Tayo po ay gumawa ng kasaysayan dahil po sa tanang buhay ko wala pa po kaming nakikitang ganitong klaseng pagsalubong kahit kanino man” ayon kay Teodoro.
“Naniniwala po tayo itong tambalan na ito ang pag-asa natin dito sa unang distrito, dito sa Tarlac at dito sa Pilipinas.” dagdag ng tumatakbong senador.
Lubos naman ang pasasalamat ni Marcos at Duterte sa mga Tarlakenyo dahil sa mainit na pagsalubong sa kanila, naniniwala na nararamdaman na ng lalawigan ang kanilang panawagan na pagkakaisa.