Taas presyo sa mga produktong petrolyo ang posibleng sumalubong sa mga motorista sa pagpasok ng bagong taong 2018.
Iyan ang ibinabala ng DOE o Department of Energy bunsod ng malikot na presyuhan ng langis sa world market ngayong linggo.
Gayunman, nilinaw ng DOE na nakadepende ang taas presyo sa langis sa magiging assessment sa darating na biyernes ng linggong ito.
Batay sa abiso ng DOE, naglalaro sa kinse (0.15) hanggang beinte singko (0.25) sentimos ang inaasahang taas presyo sa kada litro ng gasoline.
Habang naglalaro naman sa singko (0.5) hanggang kinse (0.15) sentimos ang inaasahang taas presyo sa kada litro ng diesel at kerosene.
Pero ayon sa DOE, mas dapat paghandaan ng publiko ang mas malakihang dagdag presyo sa langis bunsod ng ipinasang TRAIN o Tax Reform Acceleration and Inclusion Act.
Sakaling maipatupad na ang TRAIN Law, dalawang piso at limampung sentimos (2.50) ang awtomatikong dagdag sa presyo ng kada litro ng diesel at auto LPG.
Dalawang piso at animnapu’t limang sentimos (2.65) naman ang awtomatikong dagdag presyo sa gasolina, tatlong piso naman sa kerosene habang piso ang awtomatikong dagdag sa presyo ng LPG o cooking gas.