Pansamantalang isinara ang Saint John The Baptist Parish Church sa Jimenez, Misamis Occidental matapos na mag-viral sa social media ang umano’y pagdura ng isang babae sa lalagyan ng Holy Water sa loob ng simbahan.
Ayon sa kautusan ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad, ipinasara niya ang naturang simbahan alinsunod sa Canons 1211 at 1369 ng 1983 Code of Canon Law ng Simbahang Katolika bilang tanda ng pagtitika at pagbabayad-puri sa dangal ng isang banal na lugar.
Itinalaga rin ng Archbishop ang ika-pito ng Agosto bilang isang araw ng panalangin at pagbabayad-puri bunsod ng paglapastangan ng naturang babae.
Nagbabala rin ang arsobispo sa babaeng nahagip sa viral video, na kinilala ng mga netizen na isang vlogger na nagngangalang Christine Medalla, na magsisi sa kanyang ginawa dahil hindi lang nadamay ang mga aktibidad sa naturang simbahan kundi nalalagay din sa panganib ang kanyang kaluluwa.