Tiwala sina Senate President Vicente Tito Sotto, III, Senate Minority Leader Franklin Drilon at Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon na papabor sa Senado ang magiging pasya ng Korte Suprema sa isinumiteng petisyon ni Pharmally Pharmaceutical Corporation Director Linconn Ong.
Ayon kay Sotto, marami nang naging desisyon at jurisprudence kung saan pinaboran ng high tribunal ang Senado sa pagkulong sa mga resource person na ayaw makipag tulungan sa imbestigasyon ng Senado.
Sinabi naman ni Drilon na kumpiyansa siyang “legally correct” ang pagkulong ng Senado kay Ong matapos tukuyin ang desisyon ng Supreme Court sa Arnault vs Nazareno Case noong 1950 kung saan malinaw na legal ang patuloy na pag detain ng Senado kay Ong dahil sa pagiging evasive at pagtangging sagutin ang ilang mahahalagang tanong ng mga Senador.
Inihayag nina Sotto at Drilon na ang Senate Legal Counsel ang sasagot sa petisyon ni Ong sa Korte Suprema na kumukwestyon sa patuloy nyang detention sa Senado subalit wala namang patakaran na nagbabawal sa Senate President para i authorize ang Blue Ribbon na humawak at sumagot sa petisyon ni Ong. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)