Nanawagan si Senate President pro tempore Jinggoy Estrada sa lokal na pamahalaan ng Aklan at sa mga nangangasiwa sa mga resort sa Boracay na tiyakin ang seguridad ng mga local at dayuhang turista na nagtutungo doon.
Ito ay matapos mabatid ni senator Estrada na mayroon ng iba pang insidente ng karahasan na nangyari laban sa mga turista na nagtutungo sa Boracay.
Isa anyang tourist destination ang Boracay kaya mahalaga na matiyak ang kaligtasan ng mga lokal at dayuhang turista na ang layunin ay magsaya at magpahinga.
Una rito, nabiktima ang anak ni senator Estrada at kasama nitong pinsan ng pambubugbog ng tatlong kabataan.
Ayon sa report, sinugod habang nakatalikod at habang palabas ng isang bar ang anak at pamangkin ng senador.
Giit ng senador, bilang ama at tiyuhin, hindi maiiwasan na labis siyang mag-alala nang makarating ang ginawang panunugod sa anak at sa pamangkin.
Agad na nagtungo si senator Estrada sa Boracay para alamin ang nangyari at kalagayan ng anak at ng pamangkin.
Nasampahan na ng kaso ang mga suspek at umaasa si senator Estrada na masusing iimbestigahan ng mga otoridad ang nangyaring insidente para huwag na itong mauulit at maging biktima ang iba pang mga turista na nagtutungo sa Boracay.