Nagbabala ang Department of Health o DOH sa masamang epekto na dulot ng usok ng vape o mga electronic cigarette na ginagamit ng mga kabataan ngayon sa halip na sigarilyo.
Sa panayam sa DWIZ, nilinaw ni DOH Spokesman Assistant Secretary Eric Tayag na hindi nakapaloob sa Executive Order 26 o national smoking ban ang pagbabawal sa paggamit ng vape o e-cigarettes sa mga pampublikong lugar.
Gayunman, sinabi ni Tayag na ilang mga lokal na pamahalaan ang isinasama sa kanilang ipinalabas na ordinasa ang pag-babawal sa vape o e-cigarettes at maging sa mga eroplano.
Dagdag ni Tayag, lumabas din sa pag-aaral ng World Health Organization o WHO na nagtataglay ito ng lason.
“May pag-aaral na po at tinanggap namin ang report na yan ng World Health Organization eh may lason po yun at ang makakalanghap niyan ay maaaring maapektuhan, maraming pamahalaang lokal na pinagbabawal yan, sa eroplano bawal yan, puwede na nila yang ipagbawal sa mga public places, nasa sa kanila na po yun.” Pahayag ni Tayag
By Krista de Dios | Balitang Todong Lakas (Interview)