Walang dapat ikaalarma sa seguridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ang tiniyak ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa kabila ng kautusan ng US Department of Homeland Security sa lahat ng airlines na bumibyahe sa Amerika at Pilipinas na alertuhin ang kanilang mga pasahero dahil sa hindi umanong epektibong security measures sa NAIA.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, patuloy na tumatalima ang Pilipinas sa international standards matapos ireklamo ng US authorities ang seguridad at mga pasilidad sa nabanggit na paliparan.
Inirekomenda aniya ng transportation security administration ng US na magkaroon ng improvement sa airport security tulad ng paglalagay ng mga bagong x-ray machine, walk-through metal detector at alarm systems sa NAIA.
Sa 16 na rekomendasyon, ipinagmalaki ni Monreal na pito na ang nakukumpleto ng Pilipinas.