Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng kamara ang resolution of both houses no. 2 o ang panukala para amyendahan ang Economic Provisions ng saligang batas ng ating bansa.
Ito’y makaraang umani ng 251 na bumotong yes o pabor sa panukala; 21 no; at dalawang abstention ang Economic Charter Change na pangunahing ini-akda ng liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Mababatid na sa panukalang Economic Cha-Cha ay isisingit ang katagang “unless otherwise provided by law” para paluwagan ang limitasyon sa foreign ownership sa natural resources, public utilities, educational institutions, media at advertising sa bansa.
Sa kabila nito, hindi naman kasama ang section 7 ng article 12 patungkol sa pagmamay-ari ng lupa ng mga dayuhan.
Magugunitang sinabi ni House Committee on Constitutional Amendments Chair Alfredo Garbin Jr., na sa pamamagitan ng Economic Chacha ay mahihimok ang pag-pasok sa bansa ng Foreign direct investment na makatutulong naman sa muling pagsigla ng ekonomiya ng bansa.