Inilarawan ng Malakanyang bilang lukewarm o maligamgam ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos sa kasalukuyan.
Ito ay matapos ng naging pasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura na ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi niya masasabing kasing “init” ng dati ang kasalukuyang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.
Una rito, ipinag-utos na ni Pangulong Duterte ang agarang pagsisimula sa proseso para sa termination ng VFA matapos na hindi nito magustuhan ang pagkakansela sa US visa ni Senador Ronald Dela Rosa.
Kaugnay naman ito ng ipinasang probisyon ng US senate sa kanilang national budget kung saan pagbabawalan nang makapasok ng Estados Unidos ang mga personalidad na sinasabing nasa likod ng pagpapakulong kay Senadora Leila De Lima.