Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang isang mataas na opisyal ng CPP-NPA-NDF sa ikinasa nilang operasyon sa safehouse nito sa Barangay Barangka, Marikina City.
Kinilala si CPP Leader Renante Gamara na naaresto sa bisa ng isang search warrant at isinilbi ng pinagsanib na puwersa ng NCRPO Regional Special Operations Unit, PNP-SAF at Joint Task Force NCR ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay NCRPO Chief, Police Major General Guillermo Eleazar, isinagawa ang operasyon dakong ala 5:30 kaninang umaga sa bahay na pag-aari ng isang Ryan Dizon alyas ’Chef’ na kabilang din sa target ng mga awtoridad.
Una nang naaresto si Gamara sa unang ikinasang operasyon noong Marso 21 sa safehouse nito sa Gen. Bautista St. Poblacion Dos, Imus, Cavite na nagresulta sa pagkakakumpiska sa ilang kontrabando.
Nakuha sa pag-iingat ni Gamara ang apat na subersibong mga dokumento, isang seafarer’s ID, record book, dalawang hand grenade at isang 9mm pistol na agad itinurn-over sa Marikina Police Station.
Kasalukuyang nasa kostudiya ng regional special operations unit ng NCRPO si Gamara na nahaharap sa kasong paglabag sa ‘Comprehensive Firearms and Ammunitions Law’ habang wala naman si Dizon nang isilbi ang search warrant kaya’t ito’y itinuturing nang ‘at-large’.
(with report from Jaymark Dagala)