Pinaiimbestigahan ni Senator Manny Pacquiao sa Senate committee on agriculture ang implementasyon ng Rice Tarrification Law .
Nais ni Pacquiao na amyendahan ang Rice Tarrification Law dahil sa halip na magbigay ginhawa ay tila naging isang bangungot ito para sa limang milyong magsasaka sa bansa.
Sa isinagawang pagdinig, hiniling niyang mabusisi ang P10-B rice competitiveness enhancement fund (RCEF) para matignan kung may naidulot ba itong mabuti sa mga magsasaka.
Aniya, kaya naghihirap ang mga magsasaka sa ilalim ng naturang batas ay dahil kulang at hindi umabot sa lahat ang inilaang ayuda na mula sa pamamagitan ng RCEF.
Bukod dito, sinabi pa ni Pacquiao na hindi sapat kung sa mga makinarya at mga farm input lamang ang inilalaan ng RCEF dahil mas mahalaga sa mga magsasaka na maibenta sa tamang presyo ang kanilang inaaning mga palay. — sa panulat ni Rashid Locsin.