Abot-abot ang pagkadismaya ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa pagbabalik nito sa Maynila matapos ang kaniyang Command Visit sa Bicol Region.
Ito’y makaraang sumalubong sa kaniya ang pagkakaaresto sa isang Pulis Crame na nakabaril ng isang 52 anyos na babae sa Fairview, Quezon City nitong Lunes.
Kinilala ang suspek na si P/MSgt. Hensie Zinampan na nakatalaga sa Police Security and Protection Group sa Kampo Crame.
Pasado alas-9 ng gabi nang sundan ni Zinampan ang biktima na kinilalang si Lilybeth Valdez, 52 anyos at residente ng Sitio Ruby, Brgy. Greater Fairview sa nabanggit na lungsod.
Bumibili lang ng sigarilyo sa kalapit na tindahan si Valdez nang barilin siya ni Zimpanan na nuo’y hindi naka-duty at napag-alamang nasa ilalim ng impluwensya ng alak.
Nakuhanan ng video ang insidente at nagviral pa ito sa social media subalit todo tanggi pa rin ang suspek sa kaniyang ginawa subalit napaamin din ng PNP Chief kalaunan matapos siyang kumprontahin nito sa Kampo Karingal kanina.
Nabatid na may lamat na sa pagitan ng biktima at suspek nang makasuntukan ni Zinampan ang asawa ni Valdez noong ika-1 ng Mayo kung saan, nagbitaw pa ng pagbabanta ang Pulis.
Ayon kay Eleazar, mariin niyang kinondena ang ginawa ni Zinampan at hindi nila ito sasantuhin kaya’t agad nila itong sasampahan ng kasong murder gayundin ng kasong administratibo at dissmissal proceedings.
Tiniyak naman ni Eleazar ang anumang tulong at suporta na kanilang ibibigay sa pamilya ng biktima.