Isang pulis ang inaresto matapos gampanan ang kaniyang trabaho na humuli ng masasamaang loob na lumalabag sa batas. Ang pulis kasi, nagkamali ng bunot! Sa halip kasi na taser gun, tunay na baril ang nabunot nito at naiputok pa!
Kung tinamaan ba ng bala ang hinahabol na suspek, ito.
Nagsimula ang maaksyong paghahabulan ng pulis na si Officer Brandon Thomas at ng suspek nang mahulihan niya ito ng umano’y marijuana sa isang sasakyan na sa ibang tao nakarehistro ang plate number.
Nang masita at makita ng pulis ang ipinagbabawal na droga, agad na kumripas ng takbo ang suspek.
Habang naghahabulan ang dalawa, maririnig pa ang pulis na binabalaan ang lalaki na tumigil sa pagtakbo at kung hindi ay gagamitan niya ito ng taser.
Sa kalagitnaan ng mala-pelikula at maaksyong paghabol dito, bumunot ang pulis ng baril, pero hindi ng taser gun, kundi ng isang literal na baril at pinaputok ito sa suspek.
Pati ang pulis ay nagulat nang marinig ang pagputok ng baril at sinabing hindi niya ito sinasadya.
Matapos dumaan sa Office of the Inspector General ang nangyari, napatunayang baril nga ang nahugot ng pulis, dahilan para maaresto ito dahil sa paglabag sa mga kasong second-degree reckless endangerment at unlawful discharge of firearm.
Muli ring dumaan si Officer Thomas sa remedial training pero baril na naman ang nabunot nito sa halip na taser gun.
Dahil dito, sumailalim na muna ang pulis sa restricted duty, habang matagumpay naman nilang dinakip ang hinabol niyang suspek na sa kabutihang palad ay hindi tinamaan ng bala ng baril.
Sa mga nagmamay-ari ng mga armas diyan, dahan-dahan lang sa pagbunot at baka magamit niyo ito sa maling pagkakataon o di naman kaya ay baka maling tao ang mapaputukan niyo.