Hindi inaasahan na nagtapos ang buhay ng isang firefighter paramedic mula sa Kansas City nang saksakin ito ng mismong pasyente na ililigtas sana nila at dadalhin sa ospital.
Ang detalye ng masalimuot na pagkamatay ng lalaki, eto.
Linggo ng umaga nang ipadala ang mga pulis sa North Oak Trafficway para bantayan ang isang babae na nadiskubreng palakad-lakad sa kahabaan ng highway sa nasabing lugar.
Humingi ng tulong at nagpatawag ng medics ang mga otoridad para dalhin ang 39-anyos na babae na tinukoy na si Shanetta Bossell sa ospital.
Dumating ang ambulansya na sakay ang mga firefighter paramedics kabilang ang 29-anyos na si Graham Hoffman na maghahatid sana kay Bossell sa ospital.
Habang nasa byahe ay bigla na lang naglabas ng kutsilyo si Bossell at sinaksak sa puso si Hoffman.
Bigla na lang itinigil ng driver ang ambulansya nang sumigaw dahil sa sakit ang lalaki, at nang bumukas ang pinto ay agad na sinubukan ni Bossell na tumakas ngunit naharang din ito ng mga nakasunod na pulis.
Agad na isinugod sa ospital ang lalaki ngunit binaiwan din ito ng buhay habang nasa ICU dahil sa tindi ng tinamo nitong injuries.
Bukod sa pamilya ni Hoffman, labis din na naapektuhan ang mga nakasama nito sa Kansas City Fire Department (KCFD) simula pa noong 2022. Sa katunayan ay na-offer-an ang mga myembro ng KCFD ng grief counseling dahil sa bigat ng pagkawala ng lalaki.
Nagbigay naman ng kasiguraduhan ang Prosecuting Attorney ng Clay County na si Zachary Thompson na gagawin nila ang lahat, makamit lang ang hustisya.
Samantala, nasa kustodiya naman na ng mga otoridad ang suspek na mayroon na palang naunang kaso na second-degree assault dahil sa pang-aatake sa isang pulis.
Ikaw, ano sa tingin mo ang nararapat na matanggap na parusa ng babae?