Kasalukuyan pang pinag-aaralan ng Energy Regulatory Commission o ERC ang petisyon ng Manila Electric Company (MERALCO) na nagbabawas sa kanilang singil sa distribution charge.
Batay sa isinumiteng petisyon ng MERALCO, P0.16 kada kilowatt hour ang hiling nilang bawas presyo sa kanilang singilin.
Ayon sa ERC, malaki ang tyansang mapagbigyan ang petisyon ng MERALCO ngunit posibleng sa Hulyo 10 pa mailabas ang kanilang desisyon.
Sa panig naman ng MERALCO, sinabi nitong kanilang hihintayin muna ang magiging pasya ng ERC hinggil sa bawas singil sa kuryente bago nila ipamahagi ang monthly bill para sa buwan ng Hunyo.
Gayunman, muling ipinaalala ng MERALCO na mayroon silang P0.04 na taas singil sa kuryente ngayong buwan dulot ng kanilang under recovery sa mga nagdaang panahon.
July bill
Una na ngang inanunsyo na magkakaroon ng delay sa pagdating ng MERALCO bill sa susunod na buwan.
Walang aasahang bill ang tinatayang mahigit 2 milyong customers ng MERALCO sa una hanggang dalawang linggo ng Hulyo.
Paliwanag ng MERALCO, hinihintay pa nila ang desisyon ng Energy Regulatory Commission sa hirit nila na bawasan ang distribution charge na parte ng bill na napupunta sa kanila.
Inaasahang dedesisyunan ng ERC ang nasabing petisyon sa Hulyo 10 o 13.
By Jaymark Dagala | Meann Tanbio