Pinagsusumite ng report ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang lahat ng mga manning at recruitment agency sa bansa kada linggo.
Kaugnay ito ng sitwasyon at kalagayan ng mga manggagawang Pilipino sa Middle East sa gitna na rin ng tumitinding tensyon doon.
Sa abiso ni POEA Administrator Bernard Olalia, kanyang inatasan ang mga recruitment agencies at manning companies na i-monitor ang status ng kanilang mga ipinadalang manggagawa sa Middle East.
Kinakailangan ding magsumite ng monitoring form ng mga manning agency na nagpadala ng mga Filipino seafarers o seaman na bumibiyahe sa Persian Gulf, Strait of Hormuz, Mediterranean Sea, Red Sea, Gulf of Aden, Arabian Sea, Gulf of Oman at Indian Ocean.
Kabilang sa report ang eksaktong ruta, klase ng barko, contact numbers, impormasyon ng mga employers kasama ang contact numbers at address at sitwasyon ng mga Pilipinong seafarers habang nakasakay sa barko.