Sumampa na sa mahigit 32,000 ang bilang ng mga tinamaan ng COVID 19 sa hanay ng Philippine National Police o PNP kung saan, 3 sa mga ito ay kumpirmadong kaso ng Delta variant.
Ito ang inihayag ni Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force Commander at Deputy Chief PNP for Administration P/LtG. Joselito Vera Cruz batay sa datos mula sa PNP Health Service.
Ayon kay Vera Cruz, 158 ang naitalang bagong kaso sa kanilang hanay kaya’t sumampa na sa 32,077 ang kabuuang kaso kung saan ay nasa 1,841 dito ang aktibo.
Habang nasa 30, 147 ang total COVID-19 recoveries sa hanay ng PNP matapos madagdagan ng 184 na mga bagong gumaling sa sakit.
Samantala, sinabi ni Vera Cruz na may tatlo nang kumpirmadong kaso ng Delta variant ng COVID 19 sa kanilang hanay.
Aniya, Hulyo pa nang magpositibo sa virus ang tatlo at nakatapos ng 14 day isolation subalit agad silang isinailalim muli sa RT-PCR test nang lumabas ang resulta ng genome sequencing ngayong buwan lang.
Isa sa mga ito ang nagpositibong muli sa virus kaya’t dinala agad ito sa isolation facility ng lokal na pamahalaan, ang 1 pa ay negatibo naman sa virus subalit naka-home quarantine at muling isinailalim sa swab test kahapon habang ang isa pa ay naghihintay na lamang ng resulta ng kaniyang re-swab at kasalukuyang naka-home quarantine din.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)