Napasakamay ng Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon ang titulo bilang World’s leading dive destination.
Kasunod na rin ito ng isinagawang World travel awards grand final gala ceremony sa Royal Opera House Muscat sa Oman.
Ayon sa Department of Tourism tinalo ng Pilipinas ang 8 pang dive destinations na nominado sa nasabing category tulad ng Azores Islands, Bora-Bora sa French Polynesia, Cayman Islands, Fiji, Galapagos Islands, Great Barrier Reef sa Australia, Maldives at Mexico.
Ipinagmalaki ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang taguri sa Pilipinas ng marine experts at scientist bilang “the heart of marine biodiversity in the world”.
Ito aniya ay malaking patunay na ang Pilipinas ay sadyang isang premier dive destination.
Samantala pinangalanan namang World’s leading dive resort ang Amanpulo Resort sa Palawan.
Magugunitang nuong isang buwan ay napasakamay ng Pilipinas ang Asia’s leading dive destination award sa idinaos namang World travel awards gala event for Asia and Oceania sa Vietnam.