Nagpatupad ng reorganization si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Presidential Communications Office (PCO).
Ito’y matapos lagdaan ni PBBM ang Executive Order (EO) No. 16 na nagbibigay ng ‘go signal’ para pagsamahin ang communication activities at tiyaking maayos na naihahatid ang mahahalagang serbisyo sa publiko.
Ang EO No. 16 na may petsang February 13, 2023 ay sinasabing bahagi o karugtong ng EO No. 11 ni Pangulong Marcos noong December 29, 2022 na may kinalamn sa streamlining ng administrative structure ng Office of the President at nagbigay ng bagong pangalan sa Office of the Press Secretary (OPS) bilang PCO.
Ang bagong PCO ay pamumunuan pa rin ni Secretary Cheloy Garafil na susuportahan ng limang undersecretaries, labing-apat na assistant secretaries at isang assistant secretary na direktang magre-report sa kalihim ng departamento.
Pamamahalaan ng limang undersecretaries ang functional areas ng PCO tulad halimbawa ng Traditional Media and External Affairs; Digital Media Services; Content Production; Broadcast Production and Operations, Administration at Finance.
Direkta namang makikipag-coordinate ang PCO sa Presidential Adviser for Creative Communications lalo na sa mga bagay na may kaugnayan sa komunikasyon at nformation dissemination.
Ang mga Government Owned and Controlled Corporations o GOCCs naman ngayon gaya ng
People’s Television Network, Inc., APO Production Unit, Intercontinental Broadcasting Corporation, at National Printing Office ay magiging bahagi na ng PCO at pamumunuan ng isang assistant secretary.
Ayon pa rin sa direktiba ng Pangulo, inilalagay na sa direktang kontol at pamamahala ng PCO ang iba pang communications agencies na kinabibilangan ng Presidential Broadcast Service-Bureau of Broadcast Services; Bureau of Communication Services; News and Information Bureau; Freedom of Information-Program Management Office; Philippine Information Agency; at Presidential Broadcast Staff-Radio Television Malacañang.