Isinusulong ngayon ng isang mambabatas ang pagkakaroon ng special lending program para sa milyun-milyong maliliit na negosyo na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa ilalim ng inihaing “Loan Program Assistance for SMEs Affected by COVID-19 Act” ni Quezon City Representative Precious Hipolito-Castelo, inoobliga ang malalaking bangko na maglaan ng pondo para pautangin sa mga small at medium scale business sa bansa.
Nakasaad din dito ang pagkakaroon ng mababang interest rates sa pautang upang maramdaman ng mga ito ang pagbangon sa pagkalugi sa kanilang negosyo.
Inaatasan naman nito ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magtakda ng implementing rules and regulations para sa special loan agreement sa mga MSMEs.