Tiniyak ng Department of Justice o DOJ ang isang patas at masusing imbestigasyon sa mga isinampang kaso laban kay Resigned Philippine National Police Chief General Oscar Albayalde.
Ito ay matapos na makasama na si Albalyde bilang respondent sa amended complaint na inihain ng PNP CIDG sa DOJ kaugnay ng kontrobersiyal na anti drug operation na kinasasangkutan ng mga dati nitong tauhan sa Pampanga noong 2013.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, patunay aniya itong lumabas sa assessment ng CIDG na maaaring may pananagutang kriminal ang dating PNP chief sa usapin ng mga ‘ninja cops’.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Guevarra na mabibiyan ng due process si Albayalde at magiging patas ang pagsasalang nito sa preliminary investigation.
Kabilang sa mga isinampang reklamo kay Albayalde ang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, Graft and Corrupt Practices at Falsifying of Public Documents dahil sa kabiguan nitong sampahan ng kaso ang mga pulis na sinasabing sangkot sa recycling ng iligal na droga. — ulat mula kay Bert Mozo (Patrol 3).