Pinaiimbestigahan ng isang mambabatas sa kongreso ang panibagong insidente ng hazing sa hanay ng militar.
Ayon kay ACT-CIS Rep. Eric yap, nais niyang busisiin at matuldukan ang mga hazing, hindi lamang sa Philippine Merchant Marine Academy (PMMA), kundi sa lahat ng Military Academy ng gobyerno.
Ang pahayag ay ginawa ni Yap matapos matagpuang patay si PMMA 4th Class Cadet Jonas Bondoc nang mabiktima umano ng hazing sa kanilang barracks sa San Narciso, Zambales.
Binigyang diin ni Yap na hindi niya maintindihan kung bakit kailangang saktan ang mga kadete gayung para sa edukasyon lang kaya naroon sila sa academy.
Matatandaang noong 2001 at 2011 ay may mga namatay na rin na kadete sa PMMA pero nabalewala umano ang mga nasabing insidente.
Nangako naman ang kongresista na bukod sa “In aid of legislation”, nais din nilang may managot sa malagim na sinapit ni Bondoc.