Pinag-aaralan na ng Department of Health o DOH ang pagsasampa ng kaso laban sa kumpanyang Sanofi Pasteur na manufacturer ng kontrobersiyal na dengvaxia vaccine.
Ito ay matapos na ibasura ng kumpanya ang hirit ng DOH na irefund ang halaga ng mga bakunang nagamit at pagtanggi na magkaroon ng indemnification fund para sa mga biktimang nabakunahan ng dengvaxia.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, sinusuri na ng kanilang mga abogado ang kontratang nilagdaan ng gobyerno at Sanofi.
Tinukoy ni Duque na posibleng lumabag ang Sanofi sa Republic Act No. 7394 o ang Consumer Act of the Philippines dahil sa depektibo nitong produkto.
Una nang iginiit ng Sanofi Pasteur na walang patunay na dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng labing apat (14) na kabataang Pilipino.
Sinabi ng Sanofi na walang report sa kanila na may namatay sa mga tinurukan ng dengvaxia kung saan isinagawa ang clinical trial ng mahigit sampung (10) taon.