Handang bumalik sa digmaan ang pamahalaan sa sandaling ituloy ng CPP-NPA-NDF ang kanilang mga iligal na gawain
Iyan ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng muling pagkukonsidera nito na bumalik sa hapag ng negosasyon para sa kapayapaan.
Ayon sa Pangulo, dapat nang tumigil ang mga rebelde sa pangongolekta ng revolutionary tax sa mga kanayunan gayundin ang panununog ng mga ito sa mga kagamitan ng mga kumpaniyang hindi nakikiisa sa kanilang layunin.
Dapat na rin aniyang itigil ng mga rebelde ang paghahasik ng lagim at terorismo kung ayaw ng mga ito na mabalewala ang kanilang hangarin na matamo ang ganap na kapayapaan sa bansa.
Una rito, nilinaw ng pangulo na ang CPP-NPA ang siyang humirit na bumalik muli sa negotiating table makaraang mapagtanto aniya ng mga ito na marami sa kanilang hanay ang piniling magbalik loob na lamang sa pamahalaan kaysa ituloy ang armadong pakikibaka.