Hinihimok ng Malakanyang ang publiko na patuloy na sundin ang mga umiiral na minimum health standards kontra COVID-19 kasunod ng kumpirmasyong nakapasok na sa bansa ang UK variant ng coronavirus.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi nila isinasantabi ang posibilidad na maghigpit muli sa ipinatutupad na community quarantine sa bansa.
Ani Roque, buwan-buwan ay nagkakaroon ng pag-aaral ang pamahalaan kung kinakailangang baguhin ang ipinatutupad na community quarantine classifications sa bawat lugar.
Aniya, nakadepende pa rin ito sa ilang impormasyon tulad ng attack rate at critical care capacity dahil maaaring mas nakakahawa ang bagong variant ng COVID-19 pero mild lamang ang sintomas na hindi kailangang magpa-ospital.