Mariing tinutulan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang planong pagtatayo ng hotel casino sa isla ng Boracay.
Iyan ang inihayag ni DENR Secretary Roy Cimatu sa harap na rin ng nakatakdang pagpapasara sa isla epektibo Abril 26.
Ayon sa kalihim, hindi praktikal ang pagtatayo ng may dalawampu’t tatlong ektaryang casino sa isla lalo’t limitado lamang ang kapasidad nito.
Makasisira rin aniya sa layunin ng rehabilitasyon ng isla ang pagtatayo ng casino sa Boracay lalo’t nais nilang ibalik ang dating ganda at ningning nito na nakilala nuong dekada otsenta.
Bagama’t nagbigay na ng provisional license ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Macau based galaxy entertainment, nilinaw ni Cimatu na wala pang nag-a-apply sa kanila ng permit para sa pagtatayo nito.