Hindi sagot ang pagpapataw ng buwis sa mga online gaming operator para maresolba ang masamang naidudulot nito sa lipunan.
Ito ang naging pahayag ni Senador Juan Miguel Zubiri sa harap ng panukala ng Department of Finance na patawan ng buwis ang mga operator ng online gaming sa bansa.
Iginigiit ng senador na nagpasa sila noon ng batas para sa pagpapataw ng buwis sa operasyon ng POGO sa bansa pero hindi ito naging daan para mapigilan ang masamang naidulot nito sa moral ng lipunan sa bansa.
Dagdag pa ng mambabatas, kung papatawan lamang ng buwis ang mga operators ng online gaming, kikita lang din anya ang pamahalaan sa pamamagitan ng panggigipit at pagpapahirap sa mga Pilipino.
Una rito, sinabi ng Malacañang na hindi tututol si Pangulong Bongbong Marcos sa panukala ng DOF na patawan ng buwis ang online gaming operator basta’t ito ay suportado ng mahusay na pag-aaral.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)