Inirekomenda ng tatlong komite sa Senado ang pagpapaliban sa Barangay at SK o Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sa May 2020.
Sa inihaing committee report number 4 ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, Local Government at Finance, kanilang inirekomenda na ganapin na lamang ang halalang pambarangay at SK sa ikalawang Lunes ng May 2023.
Gayundin ang pagtatakda sa regular na petsa para sa barangay at SK election kada isang taon matapos ganapin ang national at local elections.
Batay sa ulat nasa 14 na senador na ang lumagda sa nabanggit na committee report kabilang si Minority Leader Franklin Drilon bagama’t naglagay ito ng reservations sa usapin ng itinakdang petsa ng halalan.
Samantala, inaasahan naman ni Senate Electoral Reforms Committee Chairman Imee Marcos ang pagtutol ng mga kasama niyang senador sa panukalang bagong petsa para sa barangay at SK election.