Dapat payagan na ang pribadong sektor at ang mga lokal na pamahalaan na direkta nang makabili o makapag-import ng bakuna kontra COVID-19.
Ito ang suhestyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon upang mapabilis ang isinasagawang vaccination roll out sa bansa.
Sa ilalim ng tripartite agreement,nakasaad na kailangang idaan sa national government ang pagbili ng bakuna ng pribadong sektor at LGUs.
Naniniwala si Drilon na direktang makakabili ang pribadong sektor at LGUs ng bakuna mula sa mga manufacturer dahil may indemnity clause ang umiiral na COVID-19 vaccination program law ng bansa.
Sa nasabing batas, sinasabing sasagutin ng gobyerno kung magkaroon ng masamang epekto ang bakuna sa isang tao maliban na lamang kung resulta iyon ng gross negligence o willfull misconduct o kapabayaan at sinadyang pagkakamali.
Bukod dito, sinabi ni Drilon na mabagal ang usad ng vaccination dahil nasa 6 na milyon pa lang ang nababakunahan samantalang 50 to 70 milyon na Pinoy ang kailangang bakunahan para maabot ang target na herd immunity.
Nakasalalay anya rito ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)