Bineberipika na ng Department of Health (DOH) ang ulat ng umano’y pagpapabakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) ng ilang mga sundalo at sibilyan sa bansa.
Ayon kay Health undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay nangangalap pa sila ng mga impormasyon hinggil sa naturang aktibidad na unang binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay nito, muling iginiit ni Vergeire na wala pang ipinalalabas na authorization ang Food and Drug Administration sa anumang bakuna kontra COVID-19 para masimulan nang magamit sa Pilipinas.
Ani Vergeire, kanila pa ring hinihintay ang isusumiteng aplikasyon ng iba’t ibang manufacturers ng bakuna kontra COVID-19.
Una nang sinalakay ng FDA ang nasa tatlong tindahan sa Binondo, Manila at Makati dahil sa pagbebenta ng mga hindi awtorisadong bakuna kontra COVID-19.