Ipagpaliban muna ang pagbabakasyon sa Pilipinas.
Ito ang payo ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa United Kingdom na nais umuwi ng Pilipinas para magbakasyon dahil sa bagong strain ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Bello na sasailalim sa 14 na araw na quarantine ang sinumang biyahero mula sa UK kaya’t para hindi masayang ang mga araw ay mas mabuting hintayin na lamang ang pagganda ng panahon at sitwasyon.
Una nang inihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na susugal na lamang ang mga Pilipinong nais umuwi ng bansa mula sa UK sa pag-asang hindi sila carrier ng bagong variant.
Ang mga Pilipinong dumating sa bansa bago mag-Pasko ay inobligang sumailalim sa 14-day quarantine bilang bahagi ng pagpapatupad ng mahigpit na seguridad dahil sa bagong SARS-CoV-2 variant na kumakalat sa UK.