Daraan pa sa kaukulang proseso ang paglalagay ng mga pasilidad ng DITO Telecommunity sa mga kampo militar.
Ito ang binigyang diin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) makaraang lagdaan na ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang kasunduan sa pagitan ng AFP at ng Dito Telecommunity.
Ayon kay AFP Spokesman Marine M/Gen. Edgard Arevalo, kailangan pang magsumite ng proposal ang DITO telco bago sila tuluyang makapaglagay ng pasilidad sa loob ng mga kampo.
Dagdag pa ni Arevalo, mahigpit ang ipinatutupad na seguridad sa loob ng kampo kaya’t tiniyak nito na kanilang bubusisiin ang mga hakbang na gagawin ng DITO telco.
Magugunitang tinawanan lamang ni National Security Adviser Hermogenes Esperon ang pangamba ni dating Senior Associate Justice Antonio Carpio na magamit sa paniniktik ng China ang paglalagay ng pasilidad ng dito lalo’t isang Chinese company ang nasa likod ng ikatlong telecommunications company.