Ikinabahala na ni House Assistant Majority Leader at ACT-CIS Rep. Niña Taduran ang pagkakasibak sa trabaho ng mga overseas Filipino sa hong kong na positibo sa COVID-19.
Ayon kay Taduran, natatakot ang mga employer ng mga OFW na mahawa ng COVID-19 sa paglabas ng bahay ng mga Pinoy kaya hindi na pinapapasok ang mga ito at napipilitang matulog sa labas.
Hindi rin anya imposibleng gawan ng isyu ng amo ang isang OFW bilang rason upang sibakin sila sa trabaho.
Ipinunto ni Taduran na sa ilalim ng Employment Ordinance and Standard Employment contract sa Hong Kong, hindi maaaring alisin ng isang employer ang isang empleyado nang dahil nahawa ng COVID-19.
Ang employer ay maaaring magmulta ng 100,000 Hong Kong dollars.
Samantala, nakausap na ng kongresista si Administrator Hans Cacdac ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at tiniyak nito na sumasaklolo na sila sa mga OFW.
Umabot na apatnapu’t tatlong OFW Sa Hong Kong na nagpositibo sa COVID-19.-sa panulat ni Mara Valle