Aarangkada na ngayong araw ang pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa petisyong humihiling ng karagdagang limang pisong pasahe sa jeep.
Ito’y sa gitna ng walang patid na dagdag presyo sa mga produktong petrolyo.
Umaasa si Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) National President Ricardo “Boy” Rebaño na diringgin ng LTFRB ang kanilang hirit na itaas sa P14 ang pasahe.
Aminado si Rebaño na halos nagba-boundary na lang ang mga driver sa mga gasoline stations dahil sa taas ng presyo ng krudo.
Ngayong araw inilarga ng mga kumpanya ng langis ang kanilang ika-siyam na sunod na linggong price increase dahil sa problema sa international supply na pinalala pa ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.