Tanging ang wholesale selling at pagbababa ng mga produkto sa Balintawak Market ang pinahihintulutan ng Quezon City Local Government upang masigurong nasusunod ang social distancing at maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ilang opisyal ng Quezon City LGU ang nakipagpulong sa mga may-ari ng tindahan sa Cloverleaf, North Diversion, Riverview I, Riverview II, Pilson’s, MC, at Edsan Bagsakan Markets kung saan nagkasundo ang lahat na pansamantala munang ipatitigil ang pagbebenta doon ng tingi o retail sales.
Ngunit ayon sa QC LGU, magpapatuloy naman ang wholesale operations sa Balintawak markets upang masigurong magkakaroon ng sapat na suplay ng mga gulay at mga farm products sa iba’t-ibang palengke sa Kamaynilaan.
Umaasa ang lokal na pamahalaan ng kyusi, na ngayong araw, mababawasan na ang bilang ng mga mamimili sa kilalang Balintawak market, kungsaan kalahati umano ng mga namamalengke doon ay mula sa mga karating lunsod.
Samantala lahat naman ng mga maapektuhang retail vendors o iyong mga nagbebenta ng tingi ay tutulungan ng LGU na maibenta ang kanilang mga paninda sa tulong ng QC fresh market on wheels program.