Binatikos ni Finance Secretary Ralph Recto ang mga panukalang bawasan ang value-added tax o VAT ng Pilipinas.
Aniya, maaaring humantong sa malawakang revenue losses ang pagbabawas ng VAT, na magdudulot ng mas kaunting serbisyo publiko at tutulak sa pamahalaang humiram ng mas maraming pondo kahit sa mga basic operations tulad ng personnel salaries.
Ipinaliwanag din ng finance chief na kaya lamang pondohan ng buong VAT collections para sa 2025 ang siyam na buwang payroll, premium, at pension ng mga active at retired government workers.
Habang ang 576 billion pesos namang excise tax collection ay hindi sapat para pondohan ang pinagsamang badyet para sa basic, tertiary, at technical-vocational education programs.
Paliwanag ni Sec. Recto, upang matiyak ang maaasahang kita ng bansa, kailangang lumago ang mga kita ng buwis ng gobyerno ng 10.2 percent taon-taon mula 2025 hanggang 2028, na magtutulak sa kabuuang kita na pumalo sa halos 6 trillion pesos sa pagtatapos ng termino ng administrasyong Marcos.